Mapapanood ng mga Pinoy fans ang mga grupong ito at iba pa.
Sa listahang ibinahagi ng organizers ng Asia Artist Awards 2023, kanilang kinumpirma ang mga grupong pupunta sa nasabing awards night. Ito ay ang NewJeans, LE SSERAFIM, ZEROBASEONE, NMIXX, at ang BOYNEXTDOOR.
Malaking balita ito para sa mga tagahanga ng mga nasabing banda mula sa South Korea, lalo pa’t ito ang magiging unang beses nilang dumalaw sa bansa.
Maliban lamang sa NMIXX, na nagtanghal sa Maynila noong Hunyo 30 para sa finale ng kanilang showcase tour.
Hinihintay pa ang susunod na batch ng mga kalahok sa darating na edisyon ng Asia Artist Awards.
Samantala, ang AAA 2023 din ang kauna-unahang pagkakataon na sa Pilipinas gaganapin ang paggawad ng mga parangal ng naturang award-giving body.
Ito ay naging posible matapos ang pagsasanib-pwersa ng local events company na Pulp Live World, ng organizing team ng AAA, StarNews Korea, at TONZ Entertainment.
Inilunsad noong 2016, ang AAA ay itinuturing na isa mga prestihiyosong award-giving bodies sa South Korea sa kasalukuyan. Binibigyan nila ng pagkilala ang mga natatanging aktor at musikero mula sa kanilang bansa, gayundin ang iba pang mga artista mula sa mga karatig na bansa sa Asya.
