Ngayong Lunes, Oktubre 30, gaganapin ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon.
Ito ang mga paalala sa mga patakaran at ang mga gagawin sa araw ng halalan.
Mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon lamang ang itatakbo ng botohan.
Ang mga edad 15 hanggang 17 ay bibigyan ng isang SK Ballot.
Samantala, ang mga edad 18 hanggang 30 ay bibigyan ng tig-isang SK Ballot at regular na Barangay Ballot.
Ang mga edad 31 pataas naman ay isang Barangay ballot lamang ang kanilangang sagutan.
Ang mga pangalan mga kandidatong napupusuan ay kailangang isulat sa balota.
Narito ang iba pang mga DAPAT GAWIN:
1. Pumunta sa presinto kung saan kayo naka-assign. Lumapit sa Electoral Board at sabihin ang inyong pangalan, presinto, at sequence number.
2. Kumuha ng balota (basahin ang mga uri ng balota para sa bawat age group).
3. Pumirma sa Election Day Computerized Voters List.
4. Sagutan ang balota. Tandaang gamitin ang ballot secrecy folder.
5. Itupi ang balota sa paraang nakuha ito bago isumite sa Electoral Board. Huwag pupunitin ang coupon sa ibaba ng balota.
6. Sa harap ng EB, ilagay ang thumbmark sa coupon sa ibabang bahagi ng balota.
7. Magpalagay ng indelible ink sa kanang hintuturo.
8. Panoorin din ang pag-deposito ng inyong balota ng EB patungo sa ballot box. Agad ding umalis sa presinto pagkatapos nito.
Narito naman ang mga HINDI DAPAT GAWIN:
• Bawal punitin ang anumang bahagi ng balota hangga’t hindi pa ito isinusumite sa Electoral Board.
• Bawal burahin ang mga nakaimprentang bahagi ng balota.
• Bawal kurisan o dungisan ang balota.
• Bawal mag-drawing sa balota.
• Bawal kunan ng larawan o picture ang inyong balota.
• Bawal ipakita kaninuman ang balota. Maliban na lamang sa isang pinahintulutang assistor o taga-sulat para sa mga taong nangangailangan nito.
• Bawal tumambay sa loob ng presinto pagkatapos bumoto.
