Categories
Celebrities Trendrod Box

“Lubid” joke ni Joey de Leon sa ‘E.A.T.,’ umani ng batikos

Marami ang hindi natuwa sa nasabing komento ng TV host.

Sa episode ng TV5 noontime program na ‘E.A.T.’ noong Sabado, Setyembre 23, marami ang nagbigay ng sentimyento ukol sa isang biro ng host na si Joey de Leon.

Sa segment na ‘Gimme 5: Laro ng mga Henyo,’ kanilang pinahulaan ang mga “bagay na pwedeng isabit sa ulo.” Sa bahaging iyon, binigyan ang manlalaro ng 45 segundo para hulaan ang limang posibleng salita.

Ngunit, sa huli, isa lamang ang nakuha ng naturang contestant at ito ay ang “necklace.”

Gaya ng kanilang nakagawian sa segment, hinuhulaan ng mga hosts at ng mga manonood sa studio ang mga posibleng sagot.

Babala: Sensitibong paksa | Trigger warning: Suicide

Dito, binitawan ni Joey de Leon ang kanyang biro, kung saan kanyang sinabi ang salitang “lubid” bilang posibleng sagot umano.

“Lubid, lubid… baka nakakalimutan ninyo,” sabi ni de Leon.

Bagamat nilapatan ang birong ito ng isang laugh track, marami ang nakapuna na wala sa mga kapwa niya hosts at maging ang mismong contestant ang natawa sa nasabing biro.

Samantala, pagkatapos noon, itinuloy ng iba pang mga hosts gaya ni Tito Sotto ang panghuhula. “Sash, garland, scarf, medal,” ang ilan sa kanilang hinulaan.

Sa X, na dating Twitter, may ilang accounts ang nag-upload ng bahaging iyon. Sa ngayon, umani na ito ng higit 2.5 milyong views magmula nang orihinal na ini-upload ito noong Sabado ng gabi.

Posted by @ALTKapamilyaChannel / X • Video courtesy of TVJ Productions and TV5

Karamihan sa mga komento ay negatibo, kung saan binira nila ang anila’y pagbibiro ng batikang TV host sa isang sensitibong paksa.

Marami rin ang tumawag sa atensyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para i-reklamo ang pangyayaring ito.

Sa ngayon, wala pang komento ang pamunuan at produksyon ng programang ‘E.A.T.’ at ng TV5, maging ng MTRCB ukol sa insidente.

Matatandaan din noong taong 2017, naging viral din ang hirit ni Joey de Leon sa ‘Eat Bulaga’ ukol sa depression. Aniya, “gawa-gawa lang ng tao” ang naturang sakit, kung saan sinagot siya ni Maine Mendoza na “hindi biro yung depression.”

Ngunit, isang araw matapos ang kanyang kontrobersyal na pahayag, naglabas ng kanyang paumanhin si de Leon. Kanyang inilahad na ineksplika sa kanya ng kanyang asawa at pamilya ang sakit, at iwinasto ang kanyang pananaw ukol dito.

Samantala, naging mainit din ang mga kaganapan sa pang-tanghaliang mga programa nitong mga nagdaang buwan sa mata ng publiko at ng MTRCB.

Nagsimula ito nang ipatawag at kalauna’y patawan ng MTRCB ng 12 araw na suspensyon ang karibal na programa na ‘It’s Showtime’ nang dahil sa pagkain ng icing ng mga hosts nito at mag-asawang sina Vice Ganda at Ion Perez.

Nadagdagan pa ito nang mangyari naman ang live na pagmumura sa ere ni Wally Bayola sa ‘E.A.T.’ noong Agosto, kung saan ipinatawag na rin ng MTRCB ang produksyon ng Kapatid noontime show upang ipahayag ang kanilang panig sa insidente. Pero, nang sumunod na araw, agad din namang humingi ng dispensa si Bayola para sa nangyari.

Sa ngayon, wala pang pinal na hukom ang board sa dalawang insidente.


If you are in need to talk to someone, don’t hesitate and reach out. For those in the Philippines, here are the contact numbers that you may use to seek help.

National Center for Mental Health

  • Landline: 1553 (Luzon-wide, Toll-free)
  • Globe and TM: 09178998727 and 09663514518
  • Smart, Sun, and TNT: 09086392672

In Touch

  • Globe: 09178001123
  • Smart: +63288937603 and +639228938944

Hopeline PH

  • Landline: 0288044673
  • Globe: 09175584673
  • Smart: 09188734673

Leave a Reply

Discover more from Trendrod

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading