Categories
Celebrities Showbusiness Shows Trendrod Box Trendrod Life

Vice Ganda, ibinahagi ang kanyang personal na kwento sa mga pangyayari sa ‘Showtime’

Nagkwento ang TV host-comedian sa kanyang perspektibo sa mga nangyayari sa noontime show.

Sa kanyang vlog na inilabas ngayong Martes, ibinahagi ni Vice Ganda ang kanyang kwento ukol sa mga nangyari sa programang ‘It’s Showtime’ nitong nagdaang buwan. Matatandaan na inanunsyo kamakailan na aalisin na ang simulcast ng show sa TV5, at sa halip ay mapapanood na sila sa GTV, bukod sa iba pang Kapamilya platforms.

Kwento ni Vice, una niyang natunugan ang mga pagbabago sa noontime slot ng TV5 sa Twitter, kung saan nabasa niya raw ang mga haka-haka ukol sa posible pa lamang na pagpasok noon ng TVJ sa network. Subalit, “na-pacify” daw siya ni ABS-CBN Chief Operating Officer for Broadcast na si Cory Vidanes at sinabi raw nitong ‘di pa kinakausap ang management ukol dito.

Noong June 2 naman, araw ng concert ni Vice sa Araneta Coliseum, gusto raw sana siyang makausap ng mga ehekutibo ng ABS-CBN ukol sa mga pagbabago sa Kapatid network. Ngunit, na-kansela raw ito at nangyari na lamang noong Lunes, June 5.

Sa meeting na iyon, unang nakaalam mula sa buong produksyon ng ‘Showtime’ si Vice. Dito, inilahad ng Kapamilya execs ang posibleng ilipat sila sa 4:30 pm slot ng TV5. Nang matanong ang kanyang personal na saloobin, tuwirang sinabi ni Vice na hindi siya pumapayag, dahil naniniwala siyang “noontime brand” ang programa. Dagdag pa niya, “makakasira sa brand” ang paglipat nito sa pang-hapong oras na iyon.

Nang makarating sa iba pang tauhan sa likod ng ‘Showtime’, dinetalye ni Vice na marami raw ang nalungkot tungkol sa napipintong pag-alis ng programa sa noontime block ng TV5. Pero para sa komedyante, hindi raw ito dahilan upang malugmok sila, dahil naabot na nga raw ng ‘Showtime’ ang rock bottom noong mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN taong 2020.

Matalinhaga din niyang inilarawan ang ‘Showtime’ bilang isang “magandang gem.” Kung ito man daw maiwanan ng iba kung saan man, sigurado si Vice na “merong magkakainteres at aalagaan ang gem” na ito.

Tungkol sa TVJ at TV5

‘TVJ on TV5’: Original ‘Eat Bulaga’ hosts to set up noontime show on the Kapatid network

Vice Ganda says no ill feelings toward TVJ

RELATED STORIES

“Parang tayo yung tinamaan nung mga kanyon na binala nila,” ang pananaw ni Vice sa nangyaring alitan sa pagitan ng TVJ at TAPE, Inc. “Yung mga naging desisyon nila, naging malaki ang epekto sa amin [sa Showtime] na nananahimik,” dagdag pa ni Vice.

Paglilinaw naman ng host na hindi niya sinisisi ang TVJ sa nangyari, kasi gusto lamang daw ng kanilang grupo na magtrabaho. Lahat din umano sila sa industriya ay may ipinaglalabang bahay, programa, at maging audience. Paalala rin ni Vice, “hindi pwede i-take against them [TVJ] kasi nagtatrabaho rin sila.”

Nauna na ring sinabi ni Vice Ganda sa kanyang panayam sa GMA Integrated News kamakailan na wala siyang masamang tinapay sa grupo ng trio.

Hayagan din niyang sinabi na wala siyang galit sa TV5, datapwat nalungkot siya dahil ‘di pabor sa kanilang panig ang naging desisyon ng network. Kahit din “masakit man sa damdamin, kanilangang tanggapin.” Sa kabila ng lahat ng ito, nananatiling mapagpasalamat si Vice sa TV5, dahil ang laki raw ng tinulong ng network sa kanila.

Hindi naman daw naniniwala si Vice sa network war, sa halip mas angkop daw ang salitang “kumpetisyon.” Iyan din daw ang katotohanan sa industriya ng telebisyon. Gayunpaman, nang dahil din sa kumpetisyon, mas may insentibo ang mga programa na pagbutihin pa. Sa huli rin, ang makikinabang din daw ay ang mga manonood at ang showbiz industry. “Buhay na buhay ang showbiz ngayon!,” pagtatapos ni Vice sa segment na iyon.

Sa nalalapit na pagdating ng ‘Showtime’ sa GTV

‘It’s Showtime’ to air on GTV starting this July

RELATED STORY

Nagpahiwatig din si Vice sa naturang vlog sa kung ano ang mangyayati sa unang araw ng ‘It’s Showtime’ sa GTV channel ng GMA. “Grand opening!” dahil hindi raw niya gusto ang “puchu-puchu lang na mga ganap!”

Tungkol dito, naibahagi din ni Vice na nang kanyang malaman ang kanilang pagtatapos sa TV5, kanyang “ini-request” kay ABS-CBN COO for Broadcast Cory Vidanes na kung may ibang platforms pa kung saan pupwedeng ipalabas ang ‘Showtime.’ Agad naman daw siyang in-assure ni Vidanes na gagawa sila ng paraan para maipalabas pa ang programa sa maraming Madlang People.

Makalipas daw ang ilang panabon, masaya rin daw na ibinalita na sa kanya [Vice] na may kasunduan na sa pagitan ng ABS-CBN at GMA Network para sa pagsasa-ere ng ‘Showtime’ sa GTV. Binalikan niya rin daw ang kanyang pananaw na gem ang ‘Showtime’ dahil dito. Aniya, masarap din sa pakiramdam na naniniwala din ang Kapuso network sa brand ng ‘Showtime.’ Dahil pwede naman daw walang Showtime sa GTV, “kasi malakas naman na sila even without us,” sabi ni Vice.

"If the situation is bad, it is not the end. Because everything will end in a beautiful way."

Nagpasalamat naman muli si Vice sa GMA at GTV para sa pagtitiwala ng network at “bukas-palad” na pagpapatuloy sa kanilang noontime program sa bakuran nito.

Bukod pa sa ‘It’s Showtime’ sa GTV, kinumpirma din ng TV host na mapapanood din siya sa iba pang mga GMA shows para ipromote ang pagpasok ng Kapamilya noontime program sa GTV.

Hiling ni Vice

Nang matanong kung saang GMA show nuya gustong mag-guest, hindi twirang sinabi ng TV host kung saan. Ngunit, ipinarating naman na rin daw niya kay Cory Vidanes ang kanyang hiling. Sinabi rin daw ni Vidanes na kanilang kakausapin ang mga executives ng Kapuso network para rito.

Kanya namang sinabi ang katuwiran sa hiling na iyon. Ayon sa kanya, ang pag-abang din umano ng mga manonood, at maging siya sa kanyang sarili, sa kung posible ba siyang mapanood sa show na ‘yun ang kanyang paliwanag. Sinabi niya namang “abangan” kung saan ang programang nais niyang mapaunlakan ang kanyang request.

Kung pagbabasehan naman ang kanyang mga salitang binitiwan, kanyang inilalarawan ang kanyang kagustuhang makapag-guest sa ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’. Ito ay dahil sa naging pampublikong hidwaan nilang dalawa noon ukol sa ginawang ‘rape joke’ ni Vice Ganda sa kanyang concert noong taong 2013. Binanggit kasi ng komedyante ang pangalan ng premyadong news personality sa naturang segment na iyon.

Noong mga panahong iyon, personal naman na nagpahatid ng kanyang paghingi ng tawad si Vice Ganda kay Jessica Soho sa pamamagitan ng isang tawag. Pero nakwento na rin noon ni Vice sa ‘Showtime’ na hindi rin sila masinsinang nakapag-usap ni Jessica, dahil masama raw umano ang pakiramdam nito.

Sampung taon matapos ang insidenteng iyon, hindi pa nakikitang magkasama sa publiko ang dalawang sikat na television hosts sa bansa. Kung kaya’t maraming netizens online na rin magmula noong inanunsyo ang pag-ere ng ‘Showtime’ sa GTV ang nagnanais na mapanood ang dalawa sa ‘KMJS’.

Mapapanood ang huling edisyon ng ‘It’s Showtime’ sa TV5 ngayong Biyernes, Hunyo 30, 2023. Ang una namang pagsasahimpapawid nito sa Kapuso channel na GTV ay mangyayari sa Sabado, Hulyo 1, 2023, simula alas-11:30 ng umaga.


4 replies on “Vice Ganda, ibinahagi ang kanyang personal na kwento sa mga pangyayari sa ‘Showtime’”

Leave a Reply

Discover more from Trendrod

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading