Nakatakdang bumisita sa bansa ang tatlong K-pop idols sa susunod na buwan.
Sa isang anunsyo ng local production company na OctoArts, ibinahagi nila na tatlong Korean pop idols ang mangunguna sa isang joint concert na pinamagatang “K-Magic Live” sa Oktubre.
Sila ay sina Hyoyeon ng Girls’ Generation, SHINee’s Taemin, at GOT7’s Yugyeom. Ang nasabing kaganapan ay magaganap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, Pilipinas sa Oktubre 13, 2023.
Nagkakahalaga ang mga tiket sa pagitan ng Php 2,800 para sa mga upuan sa “Gen Ad B” section hanggang Php 10,800 para sa mga may hawak ng “VIP” pass. Magsisimula ang bentahan nito sa Sabado, Setyembre 16.
Ang konsiyerto ay ang pagbabalik ni Hyoyeon sa Maynila matapos ang dating pagganap bilang disc jockey (DJ) noong Enero 2020.
Para kay Taemin naman, ito ang kanyang unang pagkakataon na makapunta sa bansa pagkatapos ng ilang taon. Siya rin ang ikatlo sa mga ka-miyembro niya sa SHINee na bumista sa bansa, kung saan dumalo sina Key at Minho sa kanilang mga solo engagements sa bansa simula noong nakaraang taon.
Si Yugyeom, sa kabilang banda, ay nagkaroon ng kanyang pinakahuling kaganapan sa Pilipinas nang isagawa niya ang kanyang “Yugyeom Live in Manila” na konsiyerto sa New Frontier Theater sa Quezon City noong Agosto 2022.
