Extended ang SIM Registration.
90 days mula ngayong araw, Abril 25, 2023. Iyan ang binigay na palugit ng pamahalaan para sa pagpaparehistro ng SIM cards. Ito ang inanunsyo ngayong araw ni Justice Secretary Boying Remulla. Ang nasabing kautusan ay galing mismo kay Pangulong Bongbong Marcos. Ibig sabihin, ang bagong deadline ay sa Hulyo 25, 2023.
Ayon kay Secretary for Information Communications Technology na si Ivan Uy, bagamat may extension, ang mga subscribers na hindi pa rin nakapagpaparehistro ay unti-unting aalisan ng access sa ilang mga services, bago tuluyang ma-deactivate ang kanilang SIM sa Hulyo kung hindi pa rin sila makapagparehistro.
Sa orihinal na plano, dapat ay hanggang bukas na lang ang SIM Registration, Abril 26, 2023. Kung hindi aabot, idedeactivate ang mga numero na hindi pa naiparehistro, ngunit may 5 araw ang mga may-ari nito upang i-reactivate ang SIM. Tinataya namang nasa 55% ng 168 milyong SIM cards sa Pilipinas ang hindi pa rin rehistrado, ayon sa huling datos ng gobyerno.
Bago ang pagpapalawig ng extension, mangilang beses nang tinutulan ng DICT ang panawagan ng ilang mga sektor at maging ng mga telcos mismo upang pahabain pa ang SIM Registration period.

One reply on “SIM Registration, extended hanggang sa Hulyo 2023”