“Mga magulang, maaari po nating buksan ang mga TV natin mamayang alas-2 ng hapon para sa bagong lesson namin sa Math,” ang linya ng isang guro.
Iyan ang sitwasyon na maaaring kahantungan ng mga guro, estudyante, at magulang sa darating na pasukan kung sakali. Sapagkat sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng sambayanan sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 at wala pang lunas o bakuna ang maaaring makalutas sa problemang ito. Bilang tugon, nilipat na rin ng Kagawaran ng Edukasyon ang simula ng bagong taon ng pag-aaral sa Agosto 24. Ngunit, sa halip na face to face o regular na pagpasok sa eskwela ang magaganap, tinitingnan ang posibilidad ng implementasyon ng remote-based learning para sa mga mag-aaral. Ito’y para masunod na rin ang mga kautusan ukol sa social distancing sa tinatawag na new normal. Pero, paano nga ba ito dapat ipatupad?
Magmula nang lumubha ang pagkalat ng sakit na COVID-19, maraming paaralan, karamihan ay mga kolehiyo, ang lumipat sa online-based learning o OBL. Ito ay para maitawid ang mga natitirang buwan ng klase para sa nakaraang semestre o taon ng pag-aaral na naapektuhan ng pagpapatupad ng community quarantine sa bansa. Subalit, naging malaking hamon para sa kaguruan at mga mag-aaral ang setup na ito.
Hamon sa karamihan ang kakulangan ng mga kagamitan gaya ng telepono, laptop, at internet. Kung sa face to face learning, ang mga ito ay kayang i-augment ng mga libro o ng mismong lecture, sa OBL ang mga gamit na nabanggit ang mga pangunahing pangangailangan para ‘makapasok sa klase’. Idagdag pa riyan ang perenyal na problema sa internet connection sa Pilipinas, na pang-33 sa buong Asya sa bilis ayon sa OOKLA Speedtest Global Index — malayo sa mga karatig-bansa nating Singapore, Japan, at South Korea. Kaakibat din nito ay ang access ng masa sa imprastraktura mismo, lalo na sa mga rural na lugar gaya ng kabundukan at mga liblib na baryo. Ngunit, may isa pang posibilidad ang hindi pa nagagalugad ng marami: ang paggamit ng medyum ng telebisyon.
Dito sa Pinas, higit 81% porsyento ng kabuuang populasyon ang nakakapanood ng TV, ayon ito sa pagsisiyasat ng Philippine Statistics Authority o PSA. Sa bilang na ito pa lamang, masasabing magiging isang epektibong tulay na ang telebisyon kung sakali. Ngunit, ito ba’y posible na mangyari?
Sa katotohanan, ang pagpapatupad ng isang malakihang plano gaya ng isang buong TV station para sa remote learning ay isang teknikal na hamon kung pagbabatayan ang kasalukuyang mukha ng telebisyon sa bansa. Una, hindi ito dapat eksklusibo sa cable. Pagkat sa datos ng PSA, 12% lamang ng “Urban Philippines” ang konektado sa cable/satellite provider. Pangalawa, ang mga mismong istasyon ng gobyerno na PTV at IBC ay mahalaga sa pagpapalaganap ng impormasyon sa kasalukuyang pandemya, pero kumpara sa nauna, ang ikalawa ay may mas maraming bakanteng oras na pwedeng punan. Pero higit na mas marami ang 16 analog at 4 na digital stations ng PTV sa 7 analog at 1 digital station ng IBC. Pero, maaaring palawigin ang isa o parehong mga istasyon para maging posible ang pagsasahimpapawid ng remote learning shows dito. Ito ay maari sa pagpirma ng blocktime sa ibang networks o sa pisikal na pagdaragdag ng mga relay stations.
Isa pang kailangan bigyang pansin kung sa TV ito ilalagay ay kung paano magiging posible ang pagkatuto ng mga estudyante sa isang screen sa kabahayan. Dito, hindi dapat maging magkatapat ang mga programa na para sa kinder at show naman para sa mga nasa elementarya. Sa halip, posibleng gawing once-a-week ang mga ito upang mabigyang daan din ang ibang uri pa ng remote learning sa ibang araw na kailangang punan para mabuo ang isang linggo ng klase.Tunay ngang isa sa mga epekto ng pandemyang ito ang pagiging maparaan ng mga tao. Sa sektor ng edukasyon, higit na kailangan ang creativity upang maging posible ang ninanais na remote learning ng Kagawaran ng Edukasyon. Sapagkat kung ang mga hakbang nila’y hindi akma para sa mga mag-aaral at mga pamilya sa kabuuan, mas mainam na ipagpaliban na lamang ang mga klase sa mas ligtas na panahon. Panahon na kung saan hindi nabibitin sa ere ang pag-aaral at hindi na kailangan pang isa-ere ang mismong lektura.
