“Hello, madlang people, mabuhay!”
Marami na ang na-LSS o last song syndrome sa official theme song ng isang segment ng ABS-CBN noontime show na ‘It’s Showtime’. Ito ay ang para sa ‘Mini Miss U,’ na nagbalik na noong nakaraang buwan.
Tumatak na sa mga netizens, lalo na sa platapormang TikTok, ang nasabing theme song. Sa ngayon nga, ito ay umani na ng higit 30,000 na remix o mga video na gumamit ng nasabing audio sa TikTok.
Ang pagiging viral ng nasabing tugtugin, base sa mga ibinahagi sa online, ay ikinakabit sa daling kabisaduhin ng steps para rito. Gayundin ay ang pagiging “catchy” anila ng mismong kanta, lalo na ang chorus nito.
Kamakailan din, naging trending din ang contestant na si Annika Co, dahil sa angkin nitong husay at maging kaalaman sa kanyang murang edad. Kasunod nito, kinaaliwan din naman ng mga netizens ang tila isang ‘grown-up Annika’ na aktong ginawa pa ang ‘Mini Miss U’ chroeography sa graduation ceremony nito. Sa ngayon, ang bidyo ni ‘grown-up Annika’ ay umabot na sa 7.7 million views sa TikTok.
Samantala, ang kantang ginagamit sa segment ay inawit ni Imogen Cantong — isa sa mga ‘Batang Cute-po’ sa isa pang segment ng ‘Showtime’ na ‘Isip Bata’. Si Imogen ay ang anak ng mag-asawang Rey at Kaye Cantong, na pawang mga miyembro ng bandang Six Part Invention.
