Ang pangongolekta ay hindi problema, hangga’t ito ay hindi sumosobra o sa mali na nakukuha.
Magmula noong umusbong ang Korean pop o mas kilala bilang K-pop, kasabay ding sumikat ang merchandises o mga kagamitan na patungkol sa mga iniidolo na sinsuportahan ng mga kanilang mga masugid na tagapagsunod. Para sa mga hindi pamilyar, ang mga merch na matatawag ay mga bagay gaya ng album, photo book, photo cards, banners, light sticks, at iba pa.
Sa nakaraang episode ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho na umere noong Linggo, naging usapin ang K-pop merch nang kanilang itinampok ang kuwento ng isang nagngangalang ‘Bea’. Ayon sa kanyang tiyahin na si ‘Jasmine’, ninakaw umano ni ‘Bea’ mula sa tindahan kanyang lolang si ‘Agnes’ ang perang pinambili niya sa kanyang koleksyon. Higit pang nakakaalarma, umabot umano sa higit dalawang milyon at pitong-daang libong piso (Php 2.7 million) ang halaga ng kanyang mga binili. Hindi pa kasama riyan ang mga parating pa lamang niyang order mula sa mga tindahan online.
Binanggit din sa naturang report ang mga grupong sinusuportahan ni ‘Bea’, na kung saan niya inubos ang pera. Ibinulgar din na siya ay dumalo sa konsiyerto ng isang grupo kamakailan at bumili ng pinakamahal na tiket na nagkakahalaga ng higit 13 libong piso (Php 13,000).
Ayon sa isang psychiatrist, matututring na manipestasyon ng sakit na impulse control disorder ang kaso ni ‘Bea’. Dito, hindi napipigilan ng dalaga ang kanyang kagustuhan na makabili o makuha ang mga merch na kanyang nais. Ngunit, sinabi naman ng nasabing eksperto na may pag-asa namang gumaling si ‘Bea’.
Sinimulan na ring ibenta ang koleksyon, kung saan pumalo sa higit Php 13,000 ang kanilang kinita noong unang araw ng pagbebenta nito sa pamamagitan ng online live selling.
Bukod dito, ginawa ring pambungad sa kwento ang halaga ng rare photo cards. Sinabi sa programa na aabot umano sa tig-50,000 pesos ang bawat piraso ng mga nasabing cards, na bahagi rin ng kanyang koleksyon.
Magmula nang umere ang episode, kumalat ang screen capture ng naturang parte ng report sa social media. Tila rin ba ay nagkaroon ng malawakang epekto sa iba pang K-pop fans.
Ayon sa tweet ng isang ‘@lhszumi’, isang fan ang nahablutan ng kanyang photo card sa may Cubao sa Quezon City. Ayon sa kwento sa larawan, pauwi ang may-ari nito nang may isang lalaki ang biglang humablot sa kanyang photo card. May isa ring reply sa parehong tweet mula sa isang ‘@kwonjiminlover’ ang nagbahagi na ninakaw rin umano ang kanyang photo card na nakasabit sa kanyang bag.
Samantala, isa namang ‘@Vancouvierx’ ang nagkuwento sa kanyang Twitter account. Ayon sa kanya, magpapadala siya ng package sa isang courier nang siya ay para bang hinusgahan ng isang tauhan nito nang sabihin nitong “hindi naman siguro galing sa nakaw ‘yang mga k-pop mo ‘no?”
Bukod sa mga nabanggit, may ilan pang mga kwento online ang kumakalat sa kasalukuyan, na kung saan pare-parehong mga photo card nila ang pinupuntirya ng mga masasamang loob. Hinuha ng mga fans, ito ay marahil sa pag-aakala ng mga hindi pamilyar sa mundo ng K-pop at mga merchandise nito na posibleng nasa 50K din ang halaga ng kanilang mga photo cards.
Subalit, ang mga photo cards ay nahahati sa ilang kategorya. Mayroong mga tinatawag na ‘official’ o ‘album pulls’, na nakukuha nang libre sa mga sealed albums o mga album na may kumpletong merchandise gaya ng pinangako ng mga kumpanya sa K-pop. Samantala, mayroon ding lomo cards o mga hindi opisyal na cards, na kadalasan ay kinukuha lamang ang mga larawan sa mga posts sa social media ng mga artista.
Buhat din ng pagsasahimpapawid ng naturang na programa, marami ring sentimyento mula sa mga karaniwang tao ang inani ng mga K-pop fans. Halimbawa nito ay ang mga panghuhusga na kesyo ay “walang pakinabang ang kanilang koleksyon,” “mas maraming bagay ang pwedeng paglaanan ng kanilang pera,” at iba pa.
Dahil sa mga insidenteng ito, marami na rin ang tumawag sa atensyon ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho. Ngunit, sa kasalukuyan, wala pa silang ibinibigay na pormal na pahayag, paglilinaw, at pagwawasto ukol sa report.
Para sa mga hindi fan o tagasuporta ng K-pop, ang pangongolekta ng mga merch ay maaaring tingnan bilang simpleng luho lamang. Ngunit, sa mas malalim na pag-unawa, makikita rin ang repleksyon nito sa personal na aspeto. Kung saan, ang pagkamit ng mga bagay gaya ng album at photo cards ay nagbibigay ng pakiramdam sa isang tao na siya ay kabilang sa isang pangkat gaya ng mga fandom sa K-pop. Isang samahan na maaaring maging kakabit o para sa iba, alternatibo, sa kanilang pamilyang kinabibilangan.
Samantala, hindi rin dapat kunsintihin ang pagkolekta ng mga ito, lalo na’t kung sa maling gawain naman ito makukuha, gaya ng mga masasamang loob na nagkalat na nanghahablot ng mga photo cards na may personal o sentimental na halaga sa kanilang mga may-ari. Gayundin, hindi rin wasto ang mga taong nanghuhusga sa kapwa at nilalahat ng mga K-pop fans dahil lamang sa isang insidente gaya ng nangyari sa pamilya ni ‘Bea’.
Hindi masama ang mangolekta, lalo na kung sa malinis sa paraan ito makukuha ng isang tao. Pero ang maghangad ng sobra, ang manguha ng bagay na hindi sa iyo, at ang pagiging mapang-mata sa kapwa ay pawang mga maling gawain at mananatiling mali.
UPDATE: Naglabas na ng pahayag ang programang ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’ ukol sa kanilang naging report noong Linggo at sa mga ini-uugnay na insidente buhat ng pagsasahimpapawid ng nasabing episode.
