Mas marami pang Kapamilya stars ang nakatakdang mapanood sa bakod ng TV5 sa mga susunod na buwan.
Ayon sa isang article na inilathala ng ABS-CBN News ngayong araw, nagkaroon na ng kumpirmasyon ang ilang buwan nang haka-haka ukol sa nakatakdang paglabas sa TV5 ng ilan sa mga malalaking artista ng Kapamilya network. Pero sa halip na produksyon ng ABS-CBN o ng kanilang mga departamento, aakuin ng Brightlight Productions ni dating Congressman Albee Benitez ang pagprprodyus ng mga ito.
Pasok sa lineup ang isang bagong noontime show na may titulong “Laugh Out Loud“. Ito ay interesting pagkat kinuha bilang producer ng palabas si ‘Mr. M’ o si Johnny Manahan, ang head ng Star Magic na dati ring nagdirehe ng Wowowee. Makakasama sa palabas sina K Brosas, Wacky Kiray, Billy Crawford, at ang nagbabalik-Kapatid network na si Alex Gonzaga. Ito’y eere mula Lunes hanggang Sabado, katapat ng Eat Bulaga sa GMA, It’s Showtime ng Kapamilya Channel, at ang bagong Happy Time ng Net 25.
Tuwing Linggo ng tanghali, isang wala pang variery show na wala pang pormal na titulo ang pangungunahan nina Piolo Pascual at Miss Universe 2018 Catriona Gray. Ito rin ay ididirehe ni Mr. M.
Isang sitcom naman ang pangungunahan nina Sue Ramirez, Dimples Romana, Ian Veneracion, Ariel Ureta, at Gloria Diaz sa “Oh My Dad“. Ito ay sa ilalim naman ng direksyon ng isa ring Kapamilya na si Jeffrey Jeturian.
Kung meron si Daniella, meron din si Romina. Magkakaroon din ng palabas sa Kapatid network si Beauty Gonzales at makakatambal niya rito si RK Bagatsing, na mas nakilala sa kanyang pagganap bilang Arnaldo sa Wildflower. Kung sa parehong palabas sila’y nag-aaway, papakiligin naman nila ang mga manonood dahil isang rom-com drama ang kanilang pangungunahan. Ito’y may title na “I Got You” sa ilalim ng box-office director na si Dan Villegas.
Ngiti rin ang ihahatid ng “Sunday Kada Kada Sunday” ni Edgar ‘Bobot’ Mortiz. Hindi pa kumpirmado ang mga cast na makakasama sa nasabing palabas.
Tila naging promotion na rin ang pagfeature ni Korina Sanchez noong Sabado sa Usapang Real Life with Luchi dahil tuloy na rin ang kanyang “Rated Korina” sa 5. Sa kasalukuyan, ito’y umeere lamang sa digital tuwing Linggo ng gabi.
Ang tiyak na petsa para sa mga paglulunsad ng mga programang ito ay hindi pa kumpirmado, at maging ang mga title na nabanggit dito. Pero ayon sa report, secured na umano ang mga timeslots kung saan ito ieere.
Ngunit, kung totoo man ang nabanggit ni News5 chief Luchi Cruz-Valdes noong media conference ng kanyang palabas na URL kamakailan, mukhang sa Oktubre ay magkakaroon muli ng rigodon ang programming grid ng TV5, na kung saan aasahan na rin ang pagpasok ng mga bagong palabas na ito.
Kasama na kasi sa mga pagbabago ang nakatakda nang pagbabalik radyo ng mga dati ring Kapamilya na sina Ted Failon at DJ Chacha para sa isang four hour show na simulcast sa Radyo5, One PH, at TV5 (para sa unang parte ng palabas). Ito ay magsisimula sa October 5, alas-6 hanggang alas-10 ng umaga naman.
Sa kasalukuyan, tanging sina Ria Atayde at Pokwang lamang ang mga Kapamilyang may permanenteng appearance na sa loob ng Kapatid network. Ito’y dahil sa kanilang morning show na “Chika Besh!“, na kung saan meron pang gameshow si Pokwang tuwing gabi na “Fill in the Bank” kasama si Jose Manalo. Pawang guests lamang ang mga Kapamilya stars na dumayo/dumarayo sa mga shows na ito.
Ang pagdagsa ng mga personalities na associated sa ABS-CBN ay inasahan na rin pagkat hayagang ipinahayag ng may-ari at chairman ng TV5 na si Manny Pangilinan na bukas sila para sa empleyado na mawawalan ng trabaho mula sa nauna. Ito rin ay dahil sa muling pagiging aktibo ng entertainment division ng Singko na pinalakas pa ng partnership nila sa Cignal at mga independent producers gaya ng APT/Archangel at itong Brightlight.
