Rated Korina, nasa ilalim na (muli) ng ABS-CBN.
Sa episode na inilabas ngayong Sabado, Hunyo 18, 2023, naging prominente ang ABS-CBN logo sa introduction ng programang ‘Rated Korina,’ ang magazine show ni Korina Sanchez-Roxas. Kung dati kasi, Brightlight Productions ang makikita sa Opening Billboard ng naturang na programa magmula noong 2020.
Sa credits din sa dulo ng ‘Rated Korina,’ nawala na rin ang Brightlight Productions at mga ehekutibo nito. Sa halip, ang nakalista na ay ang mga pangalan ng ABS-CBN executives, at maging mga departmento ng nasabing kumpanya. Sa kabila ng mga pagbabagong ito, nananatili namang line producer ang host nitong si Korina Sanchez-Roxas.
Mula noong 2004 hanggang 2020, iprinodyus ng ABS-CBN ang ‘Rated K.’ Ito ay umere tuwing Linggo ng gabi, at sa isang punto pa nga, ay ang naging top-rating show ng network sa Sunday primetime block nito. Nang hindi ni-renew ang prangkisa ng network noong 2020, isa sa mga naapektuhan ang programa ng mawala ang Current Affairs group ng ABS-CBN News and Current Affairs.
Pansamantala, habang wala pang TV network noon, itinuloy ni Sanchez-Roxas sa digital platforms ang programa. Binigyan ito ng title na ‘Rated Korina Plus.’
Subalit, hindi nagtagal ito, nang muling binuhay ni Sanchez-Roxas ang programa sa telebisyon nang siya’y nakipag-sanib pwersa sa Brightlight Productions noong Setyembre 2020. Nagsimula itong umere sa TV5 bilang ‘Rated Korina’ noong sumunod na buwan. Hunyo 2021 naman nang muling mapanood sa Kapamilya platforms ang programa, nang sinimulang ipalabas ang programa sa Kapamilya Channel, KOL, at A2Z.
Bukod sa ‘Rated Korina,’ may programa rin si Korina Sanchez-Roxas sa NET25, ang ‘Korina Interviews’ tuwing Linggo.
Ang ABS-CBN naman, ay unti-unti na ring bumalik sa pagprodyus ng current affairs shows. Ito ay nagsimula sa ‘KBYN’ noong nakaraang taon, at simula bukas, ay kanilang itutuloy sa ‘Tao Po.’
Ang ‘Rated Korina’ ay patuloy pa ring napapanood sa Kapamilya platforms, A2Z, at TV5.

3 replies on “‘Rated Korina,’ hawak na muli ng ABS-CBN”
[…] ‘Rated Korina,’ hawak na (muli) ng ABS-CBN […]
[…] ‘Rated Korina,’ hawak na (muli) ng ABS-CBN […]