Pawang mga replay o di kaya’y work-from-home muna ang setup sa karamihan ng mga news and public shows sa Kapatid network.
Noong Biyernes, agad nang kinansela ang pag-ere ng mga newscasts sa TV5 at sister channels nitong Radyo5, One PH, at One News matapos makumpirma na ilan sa mga staff ng istasyon ang nagpositibo sa COVID-19. Matapos nito, isinagawa na ang malawakang disinfection sa Media Center, na kung saan inasahang makakabalik na sa normal na operasyon ang TV5, Radyo5, noong Lunes, Agosto 24.
Ito ay nangyari at bumalik ang pwersa ng news department na kung saan nasilayang muli ang mga palabas gaya ng One Balita Pilipinas, One News Now, at marami pang iba.
Ngunit, kahapon ay nagdesisyun ang pamunuan ng Kapatid network na isailalim ang mga pasilidad ng Media Center sa lockdown at agad na pinauwi ang mga empleyado ng istasyon sa parehong kadahilanan.
Kaya simula ngayong araw, repeat telecast ng Idol in Action at Wanted sa Radyo ni Raffy Tulfo ang napanood at napakinggan ng kanyang mga masugid na tagasubaybay. Samantalang, work-from-home naman ang news segment ng IIA na One Balita Pilipinas na solong iprinesenta ni Marga Vargas.
Ayon sa One PH, ito muna ang magiging pansamantalang setup ng broadkast ng mga nasabing palabas hanggang sa Biyernes, Agosto 28.
Ang iba pang programa sa One News at Radyo5/One PH ay nanatiling work-from-home ang setup gaya ng Wag Po! at Relasyon. Ito na kasi ang kanilang kalakaran magmula nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon noong Marso.
Kung papayagan, maaari nang magbalik sa studio ang mga mamamahayag at magbalita mula sa TV5 Media Center simula sa Lunes.
