Categories
Broadcast Shows Trendrod Box

TV5, aarangkada ngayong ‘new normal’

Nakatakda na sa August 15, 2020 ang mga pagbabago sa programming ng nasabing istasyon. Dito, sila ang magsisilbing bagong tahanan ng mga programa at ilang mga artista gaya ni Pokwang at JoWaPao (Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros) para sa primetime gameshows na Fill In The Bank and Bawal na Game Show. Pasok din sa lineup sina Ria Atayde at Pauleen Luna-Sotto na sasaluhan ni Pokwang para sa morning talk show na Chika, Besh!. Ang Kapamilya actress na si Jessy Mendiola ay sasamahan ang kanyang mga finess besties sa Fit For Life.

Ang pinaka-Kapatid sa lahat na si Ryan Agoncillo ay babalik kasama ang tinaguriang number 1 talent show ng bayan na Talentadong Pinoy na may bago nang titulo: Bangon Talentadong Pinoy. Magkakaroon din ng sarili niyang palabas ang hepe ng News5 na si Luchi Cruz-Valdes, ang Usapang Real Life.

Ang mga nabanggit na programa ay unang bugso pa lamang pagkat ayon mismo kay TV5 chief programming consultant na si Perci Intalan, marami pang nakalinya hanggang sa taong 2022.

Kasama dapat sa nasabing revamp ang Love Life With Kris na kung saan inanunsyo mismo ni Kris Aquino ang sana’y August 15 launch nito. Ngunit ayon kay Intalan, ito’y naudlot sa kadahilanang may inaayos pa sa panig ng produksyon dahil hindi rin naman ito station-produced. Nananatiling bukas ang TV5 para sa programa ni Aquino, dagdag pa niya na sinang-ayunan naman ni Robert Galang, president at CEO ng TV5 at Cignal.

Ipinagmalaki naman nila ang pagbabago sa pamamalakad sa network para sa entertainment programs nito. Kung dati, diretsong kinukuha ng network ang mga talent, ngayon, kanila nang nilalapitan ang mga producers at content provider. Mala-American network, puna ng iba sa sistemang ito.

Ayon naman kay Intalan, kanilang ipoposisyon ang Singko bilang istasyon ng new normal na kung saan ang magiging layunin na ng TV5 ay maghatid ng mga programang maghahatid ng inspirasyon sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Tunay na kaabang-abang ang mga bagong palabas sa channel 5 sa darating na linggo. Interesante din ang halo ng mga artista at format sa bagong lineup na ito.

Simula na sa Sabado, August 15 ang mga paglulunsad ng mga palabas na ito sa Kapatid network, TV5.

Editor’s note: This is not a sponsored post. This was published based on the newsworthiness of the story.

Leave a Reply

Discover more from Trendrod

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading